Ang mitolohiyang Nordiko, mitolohiyang Norsiko (o Norseko), o mitolohiyang Nors (kilala rin bilang mitolohiyang Eskandinaba o Eskandinabyano) ay ang mitolohiyang nagmula sa mga Norsman (o Norsmen), literal na "mga tao ng hilaga" ng Europa, na tila mandirigmang Alemanikong tribong namuhay bago dumating ang kapanahunan ni Hesus. Dating inaawit ang mga ito ng mga skald, o mga manunulang Nors. Matutunghayan ang mitolohiyang at mga awiting ito mula sa mga Edda: ang Matandang Edda (Patulang Edda o Poetikong Edda) at ang Batang Edda (Tuluyang Edda o Prosang Edda).[1]
Naglalahad ang mga Edda ng mga pinaniniwalaan ng mga sinaunang tao sa hilagang Europa. Naglalarawan rin ito ng mga pinananaligang mga diyos at diyosa ng mga taong ito. Ipinakikita sa mga ito na dumanas ng paghihirap at pagtitiis ang mga Nordikong diyos at diyosa. Nasulat ang unang Edda noong ika-9 daantaon. Nagpapaliwanag naman at nagsisilbing gabay sa mga nakababatang mga manunula at makata ang pangalawang Edda ukol sa naunang Edda. Isinulat ni Snorri Sturluson ang pangalawang Edda. Naging batayan ang mga Eddang ito ng Nibelungenlied o "Awit ng mga Niblung" (o ng mga Nibelung, sa pagbaybay sa Aleman), isang epikong Aleman. Pinagbatayan naman ito ni Richard Wagner, isang Alemang kompositor, ng apat sa kanyang mga opera.[1] Bukod sa nasa wikang Alemang Nibelungenlied, nilalaman din ng nasusulat sa Matandang Norseng Saga ng Volsunga (Volsunga Saga sa Ingles) ang mitolohiyang Nordiko. Bagaman magkaiba ang mga bersyong ito, magkapareho lamang ang nilalahad nilang salaysay.[1]
Noong ika-8 daantaon, malawakang nawala ang kalinangang Nors o Norse nang dalhin ng Simbahang Katoliko ang Kristiyanismo sa Alemanya at Eskandinabya. Subalit napanatili ng matagal ang kulturang ito sa Aisland o Lupangyelo.[1]
Kabilang sa mga diyos at diyosa ng mitolohiyang Nordiko sina Heimdall, Mga Valkyrie, Odin (Wotan sa Aleman), Frigga, Thor, Sif, Loki, Balder, Hoder, Frey, Freya, Tyr, Bragi, Idun, Hermod, mga Norn, at mga duwende ng Svartalfheim. Namumuhay at naninirahan ang mga diyos na ito sa Asgard. Kabilang sa mga nilalang sa Asgard si Yggdrasil, isang "punong abo". Isa namang pook sa Asgard ang tulay na Bifrost, ang palasyong Valhalla.[1]
Explanation: