ang pagpapaunlad ng isang bayan sa kaniyang sariling wika ay mayroong tiyak at malaking epekto sa kasalukuyang ekonomiya nito.
ngunit ano nga ba ang kaugnayan ng wikang pambansa sa kasalukuyang ekonomiya ng bansa?
sa naganap na isang pulong, na pinamagatang “pagpaplanong pang-wika, pagpaplanong pang-ekonomiya” noong agosto 18 sa amv-college of accountancy multi-purpose hall, ang tanong na ito ang naging sentro ng talakayan ng mga eksperto sa wika at ekonomiya.
ang panauhing pandangal ng nasabing pangyayari ay si jose laderas santos, tagapangulo ng komisyon sa wikang filipino (kwf), kasama ang dalawa pang mga komisyoner ng kwf na sina bernard macinas mula bicol at vilma tacbad mula pampanga.
kinatawan naman ni tereso tullao, guro ng ekonomiks sa de la salle university, ang diskursong pang-ekonomiya. bagaman hindi nakarating, nagpadala ito ng kinatawan upang ipahayag ang kaniyang panig.
ang pumalit kay tullao na si christopher cabuhay, isang mag-aaral ng ekonomiks sa la salle, ang nagsaad ng reyalidad na hindi na maiwasan ang paggamit ng ingles sa pakikipagtalastasan sa mundo ng ekonomiya.
“ang wika ay isang pamamaraan ng paggawa ng transaksiyon. dito, hindi tayo makagagawa ng kahit anong transaksiyon kung hindi tayo magkakaintindihan dahil lahat ng nangyayari sa ating ekonomiya ay nakabase sa ating pagkakaintindihan. kung papansinin naman talaga natin, ang programang pang-ekonomiko pati ang mga batas ay nakalimbag at nakasalin sa ingles,” ani cabuhay.
ibinahagi rin niya na ang ingles at filipino ay hindi magkaaway kung hindi magkatulong sa pagpapatakbo ng ekonomiya. inilatag niya ang mahalagang papel ng ingles sa mundo ng ekonomiya tulad ng pang-unawa ng mga konseptong abstract, paggamit ng mga paraang holistiko, pag-aayos ng mga simbolo, at pagtatrabaho sa mga dayuhang kompaniya.
“kapag walang transaksiyon, walang ekonomiya at kung isiipin natin, kung walang lipunan, walang transaksiyon, wala tayong ekonomiya. . ang susunod na pangunahing papel ng wika ay bilang isang instrumento sa globalisasiyon tungo sa mga panlipunang layunin o mga social objectives,” ani cabuhay.
ibinahagi rin niya na isang importanteng salik sa paglago ng ekonomiya ay ang paggamit ng wika na maiintindihan ng mga maralita at sa ating bansa at wikang filipino ang kailangan na gamitin sa pakikipagtalastasan upang mahikayat ang mas maraming tao na sumali sa mga transaksiyon ng ekonomiya.