Ang Pilipinas ay isang demokratiko at republikanong Estado. Nasa mga mamamayan ang kapangyarihan nito at nagmumula sa kanila ang buong pamunuan ng pamahalaan.”
-Artikulo II, Seksiyon 1 ng 1987 Konstitusyon
Ang Pilipinas ay isang republikang may pampanguluhang anyo ng pamahalaan kung saan pantay na nahahati ang kapangyarihan sa tatlong sangay nito: ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.
Isang mahalagang bunga ng pampanguluhang sistema ng pamahalaan ay ang prinsipyo ng paghahati ng kapangyarihan, kung saan nasasailalim sa Kongreso ang paggawa ng mga batas, nasasailalim sa Ehekutibo ang pagpapatupad ng mga ito, at nasasailalim sa Hudikatura ang pagpapasya sa mga kontrobersiyang legal.
Ang Ehekutibong sangay ay binubuo ng Pangulo at Pangalawang Pangulo na kapwa inihalal ng boto ng nakararami at magsisilbi sa loob ng anim na taon. Binibigyan ng Konstitusyon ang Pangulo ng kapangyarihang piliin ang kanyang Gabinete. Bubuuin ng mga kagawarang ito ang isang malaking bahagi ng burukrasya ng bansa.
Ang Lehislaturang sangay ay pinahihintulutang gumawa ng mga batas, mag-amyenda, at magsalawang-bisa ng mga ito gamit ang kapangyarihang ibinigay sa Kongreso ng Pilipinas. Nahahati ang institusyong ito sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan.
Ang Hudikturang sangay ay may kapangyarihang lutasin ang mga sigalot sa pagpapatupad ng mga karapatang nakasaad sa batas. Hinahatulan ng sangay na ito kung nagkaroon o hindi ng matinding pang-aabuso sa pagpapasya, na katumbas ng kakulangan o kalabisan ng kapangyarihan, sa panig ng pamahalaan. Binubuo ito ng Korte Suprema at mga nakabababang hukuman.
Hayagang ginagawaran ng Konstitusyon ang Korte Suprema ng kapangyarihan ng Judicial Review, o kapangyarihang ideklara bilang unconstitutional o labag sa konstitusyon ang mga pandaigdigan at pang-ehekutibong kasunduan, batas, atas ng pangulo, proklamasyon, kautusan, tuntunin, ordinansa o regulasyon.